Monday, August 15, 2011

Buwan ng Wika

We will be celebrating our "Buwan ng Wika" on August 26, 2011. The theme for this year is "Ang Wikang Filipino ay Wikang Panlahat; Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas."



I would like to share the "talumpati" that one of my students will be delivering in the said event:





“ Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas “



Ang Proklamasyon Blg. 1041 ay nagpapahayag ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto. Ngayong taong ito ipinagdiriwang nating muli ang Buwan ng Wika na may temang, “Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas.”



Ano nga ba ang koneksyon ng wika sa ating buhay? Marami nang pinagdaanan ang ating wikang Pambansa. Gaya ng ating buhay, ang mga Filipino ay marami na rin naranasan sa nakaraan.



Bata pa lamang ako ay naririnig ko na ang mga katagang ito: “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda.” Paulit ulit naming itong binabanggit sa paaralan. Marahil na rin siguro sa paniniwala nang aming mga guro na ang isang bagay kapag paulit ulit mong sinabi o ginawa ay magiging parte na ito ng iyong pag-uugali - magiging parte ng iyong pagkatao.



Si Jose Rizal, sa kanya nagmula ang mga katagang ito. Siya rin ang kauna-unahang tao na tumawag at gumamit ng salitang “Filipino” upang ipagkahulugan sa mga taong naninirahan sa ating bayan. Di nga ba’t Indio ang tawag sa atin noon ng mga Espanol?



Ano nga ba ang Filipino? Noong 1998, isang Griyegong (Greek) diksionaryo ang naglimbag nang salitang “Filipina” upang ipakahulugan sa isang “katulong” o DH ika nga nila. Sa kontinente naman ng Europa ay may isang tatak ng biskuwit na pinangalan din nilang “Filipinos” marahil sa paghahalintulad sa kulay nating kayumanggi.



Para sa’yo ano ang Wikang Filipino at gaanu ito kahalaga?



Mayroon humigit kumulang pitumpo’t dalawang dialekto ang ating bansa. At ayon sa Artikulo XIV, Seksiyon 6 ng 1986 Konstitusyon. "Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino."



Isang layunin ng pagkakaroon ng isang wikang pambansa ay ang mapalaganap ang pagkakasundo ng mga Filipino bilang isang bayan. Layunin din nito na pag isahin ang ating bansa bagama’t tayo ay binubuo ng pitong libo’t isang daan at pitong isla. Ang Wikang Filipino ay panlahat.



Bilang isang estudyante, paano nga ba natin pinapahalagaan ang ating Wikang Pambansa? Nagagalak ako at mayroon tayong taunang selebrasyon ng Buwan ng Wika. Naipapakita nito kung paano natin pinapahalagahan ang ating wika – ang ating Bansa. Sa pamamagitan din nito naipapamalas nating mga kabataang Filipino ang ating galing at pagmamahal sa ating kulturang Filipino.



Sa usapin ng kulturang Pilipino, hindi mawawala na mapag-usapan ang ating pambansang bayani, si Gat Jose P. Rizal. Isa sa mga dahilan kung bakit hinahangaan ko si Jose Rizal ay sa kadahilanang ang kanyang mga ginawa at sinabi ay hindi kailan man naluluma. Ang mga katagang sinabi niya noong una pa ay may kaugnayan pa rin sa kasalukuyan.



Sinabi niya, “Ang kabataan ang pag-asa ng ating Bayan.” Marahil sa mahabang henerasyon na nagdaan ay hindi natin namalayan o naramdaman ang katuparan ng mga katagang iyon. Para bagang ang karamihan ay nagtatanong kung may katuparan pa ang mga tinuran ng ating bayaning si Rizal.



Ngunit ako ay nagagalak at sa ngayon ay unti unti na rin nating nararamdaman ang pagiging responsable ng mga kabataang Filipino.



Kitang kita ko ito sa mga nagdaang eleksyon sa ating bansa. Ang mga kabataan ay naging aktibo sa pagbabantay at pagsisiguro na mabantayan ang boto at mapanatili ang katahimikan sa halalan.



Marami na ring mga organisasyon ang lumulutang na pinasisimulan ng mga kabataan.



Maging dito sa ating paaralan nakikita na rin ang pagbabago sa kung paano namumuno ang mga kabataan. Maraming salamat sa mga guro na patuloy na pumapatnubay sa amin.



Noon lamang nakaraang buwan ay ipinarinig sa atin ng ating pangulong si Benigno Aquino Jr. ang kanyang SONA. Pambihira ang kanyang talumpati, hindi ba? Hindi lamang dahil sa naglalaman ito ng unti unting pag-unlad at pagbabago ng ating bayang Pilipinas, kundi dahil ginamit niya ang ating sariling wika sa pagsasalaysay ng kanyang talumpati. Pambihira.



Isa sa mga nagustuhan ko sa kanyang mga binitawang salita at talaga namang sumuot sa aking puso ay ang mga katagang: “Hindi ba tayo nagagalak, Filipino tayong nabubuhay sa ganitong panahon?”



Ako, ay buong pusong nagagalak na maging parte ng ngayong henerasyon. Katulad ng wikang Filipino karapatdapat lamang na tayo rin ang maging ilaw patungo sa tuwid na landas.



Ang lakas ng isang bansa ay mapagtitibay ng lakas ng mamamayan. Kung mananatili ang bawat isang Filipino na malakas at patuloy na mangangarap ng isang maayos na pamayanan – maayos na bansa, hindi maglalaon at mararating din natin ang tuwid na landas.



Gamitin nawa natin ang ating wikang pambansa upang maisakatuparan ang pangarap na ito. Naniniwala ako na hindi magtatagal at magsasama sama tayong haharap sa isang bagong Pilipinas na pinagtibay, pinagyaman, at pinag-isa ng ating wikang pambansa. "

Too busy to blog

This is so ironic. I have been encouraging my students to start blogging, where in fact I do not have time to blog any more.



Anyway, we're almost done with the first semester. Hopefully, I could write again during sembreak. :)